Thursday, October 15, 2009

Pampaaraalang Dula: Jose Rizal (Ayon sa Kinakailangan ng Learning Center 7 ng CAB, Buwan ng Wika, 2009)

SCENE I
Scene Title: “Pambungad”

Oras: Umaga. Sa silid-aralan.

Papasok si Bb. Jo at haharap sa mga manonood bilang kanyang mga mag-aaral.

Madilim ang buong entablado maliban sa nag-iisang ilaw na nakatutok sa kanya.

BB. JO
Nakangiti sa lahat.

Magandang umaga sa inyo, aking mga mag-aaral. Ako si Bb. Jo at ang pag-aaralan natin ngayon ay ang buhay ng ating pambansang bayani. Alam ba ninyo ang kanyang pangalan? Ito ay may initials na J.R.

MAG-AARAL 1 (KILIAN)
Nakataas ang kanang kamay.

Ma'am, Ma'am! Si... Jericho Rosales?

BB. JO

Mali! Siya ay isang duktor.

MAG-AARAL 2 (JOAREM)
Ma'am! Hindi po ba si... Dr. Jericho Rosales?

BB. JO
Hindi! Patay na siya.

MAG-AARAL 3 (GABY)
Ma'am! Eh, di ang yumaong... Dr. Jericho Rosales!

Tawanan ang lahat.

BB. JO
Hay naku, hayaan n'yong ako na lang ang magkukuwento sa inyo. Ang kanyang pangalan ay si Dr. Jose Rizal...

Sabay tingin sa kaliwang likuran. Kasabay sa paghudyat ng kanyang kaliwang kamay, iilaw ang isa pang spotlight sa isang taong suot ang isang makalumang kasuotan (Angelo). Isa siyang bilanggo at siya'y may isinusulat sa kanyang mesa. Hindi niya wari ang mga tao sa paligid dahil ang mga ito ay nasa iba't-ibang mga kapanahunan.

BB. JO
Siya ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa mag-asawang si Francisco Mercado Rizal at Teodora Alonzo y Quintos.

Papasok si Benjamin at Bea at palakad-lakad sa kanilang mistulang hacienda habang nagsasalita si Bb. Jo.

BB. JO
Galing siya sa isang mayamang pamilya. Ang kanyang ama ay isang magsasaka at ang kanyang ina ang siyang naging guro ng batang si Jose Rizal. Isa siyang napakatalinong mag-aaral. Kaya naman sa edad na 23 isa na siyang ganap na manggagamot.

Mula Espana, nilibot niya ang buong Europa. Doon niya isinulat ang kanyang dalawang nobelang pinamagatang NOLI ME TANGERE at EL FILIBUSTERISMO. Marami rin siyang napag-aralang mga aklat. Isa na rito ay ang Salita ng Diyos.

Papasok si Zachary at Alessander. Pati na rin si Marco.

BB. JO
Nagalit ang mga Kastilang prayle sa mga isinulat niya. Sa Pilipinas, ang kanyang mga kamag-anak ay palaging pinag-iinitan ng mga guardia sibil. Naghahanap sila ng kahit anong butas sa katauhan o mga gawain ni Jose Rizal upang masampaan ng demanda sa husgado.

Ang kapatid na si Lucia ang napagbintangang may dala-dalang ipinagbabawal na babasahin na isinulat ni Rizal. Nakita diumano ito sa kanyang bagahe pagdating niya sa Pilipinas galing ng Hong Kong kasama ng mahal na kapatid na tinatawag nilang Pepe sa kanilang pamilya.

Papasok si Kristel (Lucia) na hinahabol ng mga guardia sibil (Kilian, Gaby, Joarem, Marcus). Magugulat ang mga magulang (Benjamin at Bea) na puspusan ang pagtatanggol sa anak na pinagbibintangan ng mga guardia sibil. Hahalungkatin nila ang dala-dalang bagahe ni Lucia at may nakita silang mga ipinagbabawal na babasahin na sulat ni Jose Rizal.

Samantala, nasa likuran lang nilang lahat ang dalawang aklat na nagpapanggap na mga inosenteng libro, pilit na tinatakpan ang mga pamagat na nakasulat sa kanilang mga balat. Tinutulungan silang takpan ng Biblia upang hindi makita ng mga sundalong kastila. Ang isa sa mga guardia sibil ay may makikitang ipinagbabawal na babasahin at dahil dito kinaladkad nila palabas si Lucia. Susunod ang mga magulang nito na alalang- alala. Ang tatlong aklat ay malungkot na lilisanin ang entablado.

BB. JO
Dahil dito, kinailangang lumayo muna si Dr. Jose Rizal sa Dapitan, isang maliit na bayan sa Mindanao. Doon nagturo siya ng salitang Ingles at Kastila sa kanyang mga mag-aaral.

Papasok sina Faith (bulag) na inaakay ni Jussell (kaklase) na may dala-dalang libro. Sa puntong ito biglang nagkaroon ng malay si Angelo (Rizal) at tumayo sa kanyang kinauupuan upang magsimulang magturo sa kanyang mga mag-aaral.

BB. JO
Sa Dapitan niya naisagawa ang kanyang mga natutunan sa larangan ng agrikultura, siyensiya, enhinyero, pangingisda, pangangalakal, pagiging iskultor, pintor, at marami pang iba. Higit sa lahat, ang kanyang pagiging dalubhasang duktor ay naging tanyag maging sa ibang bansa.

Pagkatapos ng kanilang klase, inakay ni Jussell si Faith sa tanggapan ni Dr. Rizal upang tingnan ang mga mata nito. Uupo si Faith sa silya upang suriin ni Rizal ang kanyang mga mata. Laking pasalamat ni Faith nang makakakita na ito. Lalabas ang mga babae.

BB. JO
Sinasabing siyam na mga babae ang napaibig sa palakaibigan at mabait na Rizal. Una siyang umibig kay Segunda Katigbak noong sila ay mga bata pa. Ngunit si Segunda ay nakatakda nang ikasal sa kanyang kababayang si Manuel Luz.

Papasok si Julianne na kilos bata. Maglalaro sila ng nagkikilos bata ring si Rizal ng papel-gunting- bato nang biglang nagkaroon ng malisya ang mga paghawak ng kamay nila. Biglang naalala ni Segunda na siya ay ikakasal dahil sa suot niyang engagement ring. Lalayo ito kay Rizal na nadudurog ang puso sa naudlot na unang pag-ibig.

BB. JO
Si Leonor Rivera ay naging kasintahan niya sa loob ng labing-isang taon. Subalit hindi nauwi sa dambana ang kanilang pag-iibigan dahil sa pag-ayaw ng ina ni Leonor kay Rizal. Itinago ng ina ang mga sulat ni Rizal kay Leonor. Sa pag-aakalang kinalimutan na siya ng kanyang kasintahan, napilitang siyang pumayag ikasal sa taong nagustuhan ng kanyang ina, isang taga-Inglatera na si Henry Kipping.

Papasok si Lyanna. Magalang na hahalikan ni Rizal ang kanyang kamay at dahan-dahang iiwang mag- isa sa entablado. Maghihintay nang maghihintay si Lyanna. Walang sulat na darating, hanggang malungkot na lalayo sa entablado papunta sa isang buhay na pinili para sa kanya ng kanyang ina.

BB. JO
Si O Sei San, anak ng isang Samurai, ang nagturo kay Rizal ng pagpipinta sa istilo ng mga Hapon. Siya rin ang tumulong kay Rizal upang tumingkad ang kanyang karunungan sa wikang Niponggo. May magandang buhay at trabaho na sana ang naghihintay kay Rizal sa bansang Hapon. Ngunit nagbago ang damdamin niya para kay O Sei San. Pagmamahal pa rin sa lupang sinilangan ang nanaig.

Papasok si Samantha na nakakimono at maglalakad ng kagaya ng babaeng Hapones. Tuturuan niya si Rizal ng pagpipinta ng sumi-e. Tititigan nila ang isa't isa. May sasabihin si Rizal sa kanya. Aasa si O Sei San ng isang pahiwatig ng tapat at walang katapusang pag-ibig. Ngunit ito ay isa palang paalam sa isang pambihirang babaeng minsan ay kanyang minahal. Lalabas si Samantha, iiwang nakaupo si Angelo sa kanyang silya, nakayuko.

BB. JO
Nagkakilala si Jose Rizal at Josephine Bracken nang magsadya sa Dapitan ang amain nitong si George Taufer. Nanggaling pa sila ng Hong Kong upang ipagamot sa dalubhasang manggagamot ang pagkabulag nito. Nabighani si Rizal sa kagandahan ni Josephine. Ngunit hindi siya nagustuhan ng mga kapatid ni Rizal sa pag-aakalang isa siyang sugo ng mga prayle.

Papasok si Althea at Elijah na nakatungkod at suot-suot ang madilim na shades. Nang makita ni Angelo si Althea, hindi na niya maialis ang tingin sa magandang mukha ng babaeng muling nagpatibok ng kaniyang puso. Halos hindi na niya napapansin ang bulag na amaing kakapa-kapa kung nasaan na si Josephine na nililigawan na pala ni Jose Rizal.

Biglang papasok ang kapatid na si Kristel na hinahabol ng kanyang inang si Bea. Pilit paghiwalayin sila ni Kristel sa kanyang pagtututol sa umuusbong na pag- iibigang ito sa pag-aakalang isang alagad ng mga prayle si Josephine.

BB. JO
Subalit nanaig ang damdamin ni Rizal sa babaing pinakamamahal. Ninais niyang pakasalan ito sa simbahan. Nahati naman ang puso ni Josephine sa pag-ibig niya kay Rizal at sa tungkulin niya sa kanyang amain na wala na palang lunas ang kanyang karamdaman sa mata. Nang umuwi ito sa Hong Kong, nagpaiwan si Josephine sa Dapitan.

Hindi nakikinig si Angelo sa mga paratang ni Kristel kay Althea. Si Althea naman ay namamaalam sa amaing uuwi na lamang sa Hong Kong. Lalabas sa isang dako ng entablado si Elijah, lalabas naman sa kabilang dako ng entablado sina Kristel at Bea. Maiwan sa entablado sina Angelo at Althea.

BB. JO
Ngunit papayag lamang ang paring si Fr. Antonio Obach na ikasal sila kung sumulat si Rizal ng isang Pagbawi sa kanyang mga naisabi at naisulat laban sa mga Kastila. Isasaad doon na siya ay nagsisisi at muling maglilingkod bilang tapat na alagad ng Simbahang Katolika.

Papasok si Joshua. Magkahawak kamay na magsasadya kay Fr. Obach ang magkasintahan. Umaayaw ang pari. Ikakasal lamang sila ng pari sa isang kundisyon. Ibibigay ni Joshua ang isang papel at balahibong panulat. Aayaw si Rizal. Lalabas si Joshua.

BB. JO
Sinuportahan ng mga kaibigan at kamag-anak ni Rizal ang desisyon nilang mag-asawa kahit walang basbas ng simbahan. Subalit hindi pa kabuwanan ni Josephine ay naipanganak na nito ang sanggol na hindi man lang nagisnan ang mundong ibabaw. Sukdulan ang dalamhati na inilibing ni Rizal ang sanggol na anak na wala nang buhay.

Sa halip, imbes na sa simbahan sila magpakasal, magsusumpaan silang dalawa sa harap ng isang tungkod (ang tungkod ni Elijah).
Lalabas si Althea. Papasok si Bea, malungkot ang kanyang mukha. Dala-dala ang walang buhay na sanggol na kaluluwal lang ni Althea. Iiyak si Angelo. Makikiramay ang inang si Bea ngunit mas gustong mapag-isa ni Rizal sa kanyang pagdadalamhati. Lalabas si Bea. Iiwang mag-isa si Angelo, ililibing ang kamamatay lang na sanggol sa gitna ng entablado. Yuyuko si Angelo. Bigong-bigo.

BB. JO
Nobyembre 3, 1896. Dinakip si Rizal at dinala sa Fort Santiago sa Lungsod ng Maynila. Doon niya isinulat ang isang tulang walang pamagat, isang obra maestrang magpapasiklab ng damdaming makabayan ng bawat Pilipino. Ang kaibigang si Mariano Ponce ang nagbigay ng pamagat nito:

Papasok ang mga guardia sibil (Kilian, Gaby, Joarem, Marcus) kasama ang prayleng si Joshua. Hahawakan ng mga sundalo ang damit nito upang patayuin at kakaladkarin sa kanang bahagi ng entablado. Naghahanda sa pagpatay kay Rizal. Ilalabas na nila ang mga mesa, silya, at ang inilibing na sanggol.

BB. JO
Mi último adiós
¡Adiós, Patria adorada, región del sol querida,
Perla del mar de oriente, nuestro perdido Edén!
A darte voy alegre la triste mustia vida,
Y fuera más brillante, más fresca, más florida,
También por ti la diera, la diera por tu bien.

Pipiringan nila ang mga mata ni Jose Rizal at patatalikurin kagaya ng isang ordinaryong krimnal. Ngunit mas gugustuhin hi Rizal na harapin ang kamatayan. Buong tapang na nakaharap siya sa mga sundalong Kastila.

(Slow motion) Habang binibigkas ni Bb. Jo ang huling bahagi ng tula, magiging dahan-dahan ang kilos ng lahat ng mga gumaganap sa entablado. Slow motion na pipitik na sabay-sabay ang mga baril. Slow motion na babagsak sa lupa si Jose Rizal. “También por ti la diera, la diera por tu bien.”
Bagsak na si Rizal sa bahaging ito.

JOAREM
Bilang lider nila. Hindi na slow motion.
VIVA ESPAÑA!

KILIAN, GABY AT MARCUS
Sabay-sabay.
VIVA ESPAÑA!

BB. JO
Marahan ngunit matatag. May alab ng lahi at ayaw magpadaig sa sigaw ng mga dayuhan.

Mabuhay ang Bansang Pilipinas.

***WAKAS***

No comments:

Post a Comment

Related Posts with Thumbnails
Related Posts with Thumbnails